Nakayakap ang batang George sa baywang ng kanyang Daddy Alfredo. Pinapahinto ito sa sunud-sunod na pagsipa sa isang lalaking nakahandusay na sa sahig.
George: Dad! Tama na po 'yan! Nasasaktan na po siya!
Alfredo: Bitiwan mo ako, George, kung ayaw mong pati ikaw ay saktan ko. Bakit ka bumaba ng van? 'Di ba sabi ko sa 'yo ay doon ka lang? Bumalik ka roon.
Sinipa muli ni Don Alfredo ang lalaking namimilipit na sa sakit ang katawan.
Alfredo: Kulang pa itong kabayaran sa mga ginawa mo sa aking hayop ka! Papatayin kita! Papatayin ko kayo ng pamilya mo!
Lalaki: Tama na po, Don Alfredo. Nagmamakaawa ako. Huwag ang pamilya ko.
Umiiyak na ang batang George dahil sa nakikitang paghihirap ng matandang lalaki.
George: Dad, tama na po! Tama na!
Alfredo: Cardo, ibalik mo sa loob ng van si George! Dalian mo!
Hinatak ng tinawag na Cardo ang batang George. Napabitaw ito sa ama. Inikot nito ang paningin sa loob ng barung-barong na bahay. Nakita niyang umiiyak sa isang sulok ang isang ginang habang yakap-yakap ang batang babae na mukhang anak nito.
Nakatingin sa kanya ang batang babae. Mukhang nanghihingi ito ng tulong. May kung anong humaplos sa puso ng batang George nang makita ang nagmamakaawang mata ng batang babae. Umiiyak ito kasabay ng pagmamakaawa sa mga inosenteng mata nito.
Parang gusto niya itong yakapin at sabihin ditong magiging maayos ang lahat. Hanggang tuluyan na siyang naibalik sa loob ng van ni Cardo ay wala na siyang nagawa.
Ilang minuto lang ay may narinig siyang malakas na tunog mula sa maliit na bahay.
BANG!